Matapos maitala ang pinakamalalang enrollment nitong nakaraang semestre, inaprubahan na ng Bulacan State University (BulSU) Board of Reagents (BOR) ang magsisilbing paunang solusyon na Local Area Network-based (LAN-based) enrollment system proposal na sisimulang gamitin sa darating na Hunyo.
Sa pamamagitan ng Board Resolution No. 57 series of 2011, ang nasabing sistema ay ipatutupad sa pagbubukas ng panibagong academic year sa unibersidad ayon mismo kay BulSU President Mariano de Jesus.
“Ang instruction ko, by hook or by crook ay ngayong June gagamitin na natin ito [LAN-based enrollment] para hindi na magkagulo [sa enrollment].”
Sa ilalim ng sistemang ito, bawat kolehiyo ang magkakaroon ng isang computer na konektado sa Assessment Office kung saan ay ma-lo-localize na ang proseso ng assessment kapag enrollment. Hindi tulad ng dati kung saan ay lahat ng enrollees ay sabay-sabay pang pumipila sa limang windows lamang ng nasabing opisana na siyang nagiging dahilan ng mahahabang pila at matagal na proseso ng pag-e-enroll.
“That [LAN-based enrollement] will be good, less stressna para sa aming mga estudyante. But the administration has to make sure that this will work. Baka kasi kapag na-implement na ay magdulot pa lalo ng gulo,” komento ni Hope Laganao, fourth year Electric Engineering student.
Ugat ng problema
Mula sa naging malaking pagbabago na naitala noong 1st sem kung saan ay 70% improvement rate sa enrollment, bumagsak ito sa pinakamalalang sitwasyon na siyang nagdulot ng umaapaw na reklamo mula sa mga estudyante.
Isa lang sa mga reklamong naibato sa administrasyon at maging sa Student Government (SG) body ay ang magulong patakaran sa mga gates ng unibersidad; kung anong oras ito magbubukas upang magpapasok ng mga nagnanais pumila ng maaga.
“Inagahan ko para mauna kasi alam ko six ng umaga nagbubukas ang mga gate, tapos nagulat na lang ako nag-text sa aking ang kaklase ko 4:30 AM pa lang daw pala nagbukas na ng gates. Nahuli tuloy kami sa pila, ilang arawko tuloy binuo ang enrollment,” igit ni Peter John Servilla, third year Biology Student.
Paliwanang naman ni Security-in-Chief Enrique Balane na sumusunod lamang sila sa tinatawag nilang Standard Operating Procedures (SOP) kaya naman may araw kung saan 6 AM sila nagbubukas ng gates, at may araw na mas maaga pa. Sinusunod lamang nila ang kanilang SOP kapag 6 AM sila nagbubukas, samantalang kapag mas maaga naman ay ibig sabihin daw nito ay may memo na nagmula sa administrasyon. Ngunit hindi naman daw kasi araw-araw na nagbaba ng nasabing memo, kaya wala silang magagawa kundi ang sumunod sa kanilang SOP.
Isa pang problemang kinaharap ng mga estudyante ay ang magulong ticket numbering system para sa Cashier at Assessment offices.
“Napakahaba ng pila lalo na sa assessment. Ang naging siste tuloy naubos ang isang araw namin para sa pagpila dito kasi sobrang dami ng pumipila, ang dami pang sumisingit kaya hindi umuusad. Pang-gulo pa ‘yang numbering, kasi may mga nakakuha na pala ng numbers kahapon , pa’no naman ‘yong hindi alam na nagpamigay pala kahapon?” reklamo ni Nica Entreso na isang Nursing student.
Samantala, pilit naman dumipensa si SG President Brian Carpio ang naging problema.
“Sa assessment kasi no’ng una napakagulo ng pila. Nakaabot hanggang 3rd gate kaya namahala na kami (SG) sa pagna-number. Tinulungan rin kami ng mga organizations natin dito kaya mas napadali ang assistance,”
Anomalya sa gitna ng gusot
Maliban sa mga naging problema sa mismong sistema ng nakaraang enrollment, isang kontrobersya naman na kinasasangkutan ng dalawa gwardiya ang nakilahok sa gulo.
Nahuli sina Joe Enriquez at Nicanor Cortez, guards ng 3rd gate, na nagbebenta ng ticket number sa halagang 50 pesos.
“Magulang ‘yong nag-report sa’min na may guards na nagbebenta ng ticket, guards ng third gate. Sinabi ko agad sa HR (Human Resource) and sa Chief ng guards. No’ng imbestigahan, dalawa nga ‘yong magkasabwat no’n,” ani Carpio.
Agad inaksyunan ng kinauukulan ang nasabing pangyayari, natanggal agad sa trabaho ang dalawang sangkot dahil sa pagiging fixers na mariing ipinagbabawal ng unibersidad.
“Actually, kinausap ko sila, siguro dala ng pangangailangan kaya nila ‘yon nagawa,” paliwanag ni President de Jesus tungkol sa insidente.
Dagdag pa ni Vice President for Finance Evangeline Custodio, “Hindi natin tino-tolerate ang mga gano’ng aksyon. Kung mayro’ng complaints ang mga estudyante, iparating nila sa admin at aaksyunan ‘yan, basta may basis ang allegations.”
Ipinahayag naman ng IRRA agency, kung saan kabilang ang mga nasabing gwardiya, na huawag naman sana maging repleksyon ng buong agency ang kasalanan ng iilan.
LAN-based: epektibo o panggulo?
Ayon kay VP Custodio, maaring magkaroon ng maraming depekto ang nasabing proseso. Mahabang proseso pa ang pagdadaan ng pagbili ng mga kagamitang kakailanganin; kabilang na dito ang mga kable at hardware systems. Dagdag pa niya, ang pondo ng nasabing proyekto ay magmumula sa mga income-generating projects ng BulSU, katulad ng renta mula sa Graceland Inc.
“Approved pa lang ito [LAN-based], pero we’re doing our best para ma-LAN na nga kaya lang it will be needing time bago ito magamit,” ani Custodio.
Ayon din kay SG President Carpio, hindi maikakailang hindi ligtas ang LAN sa system related problems tulad na lamang ng weak security system at hacking prone features na kasalukuyan namang pinag-aaralan at susubukang maiwasan ng Management Information System ng unibersidad. Ito ang dahilan kung bakit matagal bago ma-aprubahan ang nasabing proposal mula ng maipasa ito taong 2009.
Kung sakali man daw na hindi pa magamit ang naturang sistema sa darating na hulyo, balik sa dating proseso ng enrollment ang mga estudyante.
No comments:
Post a Comment